MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isang 24-anyos na babaeng call center agent na nag-iwan ng package na naglalaman ng P630,000 halaga ng marijuana kush, sa front desk ng isang malaking establisimyento, sa Barangay Ususan, Taguig City, Lunes ng madaling araw.
Ang suspek ay kinilalang si alyas 'April', residente ng Barangay North Signal, Taguig City, na itinuturing na high value individual (HVI).
Sa ulat ng pulisya, ala-1:15 ng madaling araw nang bumalik ang suspek sa establisimyento upang kunin ang iniwan niyang package noong alas-11:30 ng gabi nitong Linggo. Agad isinagawa ng mga security personnel ang review sa CCTV footages ng establisimyento at natukoy ang suspek na siya ring nag-iwan ng package, kaya pinigilan siyang umalis at rumesponde ang mga tauhan ng Taguig City Police Sub-Station 4 at inaresto ito.
Bago ang insidente, nagsagawa ng routine patrol ang K9 handler kasama ang K9 sa concierge area at nilapitan ang isang kahon sa ilalim ng front desk.
Naalarma sa ikinilos ng K9 kaya itinawag sa pulisya at nang inspeksyunin ng mga tauhan ng Sub-Station 4 kasama ang District Mobile Force Battalion, natuklasan ang package na may apat na kahon ng Kraft Mac & Cheese at isa pang box, na naglalaman ng tinatayang 420 gramo ng marijuana kush katumbas ng P630,000.00.
(0)Comments