Matapos ang mahabang talakayan sa confidential funds, papasok na ang Senado sa mas mabigat na yugto ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte - ang Article 2 tungkol sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at umano'y unexplained wealth.
Hindi biro ang akusasyon. Sinasabi ng prosekusyon na lumobo ang yaman ni Duterte nang lampas sa kanyang legal na kita bilang opisyal ng gobyerno. Bukod pa rito, may mga ari-arian at interes na hindi umano idineklara sa kanyang SALN, at may negosyo pa raw na patuloy na pinatatakbo habang siya ay nasa puwesto.
Kung tutuusin, ang SALN ay simpleng dokumento lang sa papel. Pero sa mata ng publiko, ito ang salamin ng integridad ng isang opisyal. Kapag hindi kumpleto o hindi tugma ang nakasaad, agad na pumapasok ang tanong: 'Ano ang itinatago?'
Sa puntong ito, mas mabigat ang laban kaysa sa confidential funds. Ang pera ng bayan ay mahalaga, pero ang hindi maipaliwanag na yaman ay direktang tumatama sa tiwala ng taumbayan. Kung hindi kayang ipaliwanag ng isang lider ang kanyang sariling yaman, paano pa niya mahihikayat ang publiko na magtiwala sa kanyang pamumuno?
Sa darating na mga araw, ihaharap ng prosekusyon ang subpoenaed bank records, tax documents, at financial statements ng pamilya Duterte. Ito ang magiging sentro ng diskusyon sa Senado. Ang mga senator-judges ay haharap sa tanong na hindi lang legal, kundi moral — karapat-dapat pa bang pagkatiwalaan ang isang opisyal na hindi malinaw ang yaman?
Ang Article 2 ay hindi lang tungkol kay Vice Pres. Sara Duterte. Ito ay tungkol sa lahat ng opisyal na may obligasyong magsabi ng totoo sa kanilang SALN. Ang hatol ng Senado ay magsisilbing sukatan kung seryoso ba ang pamahalaan sa laban kontra korapsyon, o kung mananatili lang itong isang pormalidad na walang ngipin.
(0)Comments