MANILA, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang isang 79-anyos na ina nang hatawin ng tubo sa ulo ng sarili nitong anak sa Brgy. Guindapunan, Catbalogan City, Samar, kamakailan.
Kinilala ang biktima sa alyas 'Feli', biyuda, tindera sa palengke habang ang suspect ay ang anak nitong si alyas 'Anik,' 45, tricycle driver at naninirahan din sa nasabing barangay.
Sa ulat ni P/Lt Col. Normal Ala, hepe ng Catbalogan City Police, alas-9:10 ng umaga nitong nakalipas na linggo ng mangyari ang insidente sa loob ng bahay ng mag-ina.
Lumalabas sa imbestigasyon nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina at sa gitna ng pagtatalo ay kumuha ng tubo ang anak at pinagpupukpok sa ulo ang ina nagdulot ng matinding pinsala sa matanda.
Ang insidente ay isinumbong sa pulisya ng isa pang anak ng biktima na tinukoy naman sa pangalang Felipe.
Nagawang maisugod sa Samar Provincial Hospital ang biktima ng mga operatiba ng pulisya na nagresponde sa insidente pero idineklara itong dead-on-arrival.
Isinuko naman ng kaniyang mga kapatid sa mga otoridad ang suspect na nahaharap sa kasong parricide.
(0)Comments