MANILA, Philippines — Pawang patay na ang 37 pangalan sa listahan ng mga nakatanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP).
Ito ang ibinunyag kahapon ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande sa pagharap nito Senate impeachment court sa ika-22 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
'Based po dito sa re-verification namin ng single-match entry, nakita po namin na doon sa mga pangalan under the OVP ay mayroon po mga talaan kung saan may records na po ng mga kamatayan o death certificates po at 32 po ay nakita namin na mga official death certificates sa mga pangalan na 'yun,' pahayag ni Grande sa isinagawang direct examination ni House private prosecutor Mae Divinagracia.
'Yung isang listahan po, pertaining po dun sa DepEd list, mayroon pong lima na official death certificate na nakita namin sa CRS (Civil Registry System) database,' saad pa niya.
Una rito, sinabi ni Divinagracia na batay sa talaan, 1,992 ang recipient ng P500 milyong confidential funds ng OVP habang 677 naman recipient ng P112.5 confidential funds ng DepEd, noong panahon na pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024.
Isiniwalat din ni Grande na aabot sa 1,685 sa 2,669 pangalan na nakalistang tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023 ang walang kahit anong record ng kapanganakan, kasal o pagkamatay sa civil registry database ng bansa.
(0)Comments