MANILA, Philippines — Walang matching record ang 1,685 pangalan mula sa confidential fund payee lists ng Office of the Vice President (OVP) ni Vice President Sara Duterte at ng Department of Education (DepEd) kasama dito ang birth, marriage, at death records.
Ito ang kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagharap kahapon bilang testigo ng prosekusyon na si Assistant National Statistician Marizza Grande sa Senate impeachment court sa ika-22 araw ng trial at sinabi na mula sa 1,992 pangalan sa listahan ng OVP ay 1,287 dito ang walang record at mula naman sa 677 pangalan ng DepEd ay 398 ang walang record.
Idinagdag pa ni Grande na may 37 pangalan na tumugma sa mga taong patay na at may 25 pangalan din na tumugma sa mga bata.
Isa sa mga tinalakay sa hearing ang pangalang 'Mary Grace Piattos', ayon kay Grande, walang record ng kapanganakan, kasal, o kamatayan ang pangalang ito sa PSA.
Ipinaliwanag ni Grande na sinuri ng PSA ang lahat ng 2,669 pangalan mula sa dalawang listahan, ginamit nila ang tatlong klaseng record, ang birth, marriage, at death.
Nagsimula ang verification ng PSA matapos humingi ng tulong ang House Committee on Good Government and Public Accountability, sa ilalim ni Rep. Joel Chua, ani Grande, dalawang letter request ang ipinadala noong Disyembre 5 at December 8, 2024.
Ayon kay Grande, tatlo ang posibleng resulta sa bawat paghahanap, isang tugmang record, maraming tugmang record, o walang tugmang record.
(0)Comments