MANILA, Philippines — Isang magkapatid na lalaki ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa isang liblib na lugar sa bayan ng Paglat, Maguindanao del Sur nitong Lunes sa gitna na rin ng umiiral na gun ban kaugnay ng gaganaping Bangsamoro Parliamantary Elections sa darating na Setyembre 14.
Kinilala ni P/Captain Steffi Salanguit, Spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang magkapatid na nasawi na sina Ebrahim Mamalinta, 35 ng SK Pendatun at Marquez Mamalinta, ng Pandag; pawang sa Maguindanao del Sur.
Sa imbestigasyon, ala-1:00 ng hapon ay magkaangkas ang magkapatid sa motorsiklo nang sila ay pagbabarilin ng mga armadong salarin na sakay din ng motorsiklo sa Brgy. Campo, Paglat.
Kapwa tumilapon ang mag-utol sa kanilang motorsiklo at pagbagsak sa kalsada ay muli silang pagbabarilin upang tiyakin na hindi na sila mabubuhay.
Tumakas ang mga salarin patungo sa direksiyon ng bayan ng Gen. SK Pendatun ng lalawigang ito. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at masakote ang mga salarin at mabatid ang motibo ng krimen.
(0)Comments