MANILA, Philippines — Inihayag nitong Lunes ni Vice President Sara Duterte na noon pang 2024 ay nakatanggap na siya ng impormasyon tungkol sa umano'y mga plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa kanya.
'Taong 2024 pa lamang ay umabot na sa akin ang impormasyon ng mga planong gawin ni Marcos. Matagal na ako sa pampublikong serbisyo at nakahanda ako araw-araw sa posibilidad gawa ng aking trabaho. Kabilang sa mga plano ang magkaroon ng ICC warrant kay dating Pangulong Duterte at ang mga gagawin na pag-atake sa akin,' ayon kay Duterte.
Dahilan para impormahan niya si dating AFP Chief of Staff Romeo Brawner at naghabilin ng ilang mahalagang pakikiusap, kabilang na ang pagbibigay ng proteksiyon sa kanyang ina at mga anak.
'Higit sa lahat, hiniling ko na igalang at protektahan ang aking ina at mga anak, at huwag silang idamay o takutin sa kahit anumang gagawin sa akin,' ani Duterte.
Binigyang-diin ng Bise Presidente na isang seryosong usapin ang paglapit o pagpunta sa lugar kung nasaan ang kanyang ina at mga anak, sa kabila ng umano'y pag-amin ni Interior Secretary Jonvic Remulla at ng pulisya na alam nila ang kanyang kinaroroonan dahil sa aniya'y surveillance activities laban sa kanya.
'Ang mga bata ay hindi dapat ginagamit, tinatakot, o idinadamay sa panggigipit. Ito ay child abuse,' ani Duterte.
'Mga kababayan, ang isang pamahalaang hindi gumagalang at nagpoprotekta sa mga kabataan ay nagpapakita ng kawalan ng malasakit sa kinabukasan ng ating bayan,' dagdag pa niya.
(0)Comments